Sulat Para kay Pepe

Dear Rizal

Tulad ng laging itinuturo sa mga mag-aaral sa elementarya sa liham-pangkaibigan, ganito ko gustong simulan ang sulat ko: Sana ay datnan ka ng sulat kong ito na nasa mabuting kalagayan, kung ako naman ang iyong tatanungin, mabuti naman ako. Kumusta ka na kaibigan? Tsarot!

Puwera biro, talagang gusto kitang sulatan. Gusto kong iparating sa iyo kung sino ka ngayon sa aming panahon.


Ang pangalan mo ay pangalan din ng mga ospital, punerarya at sementeryo, pangalan ka ng mga kalyeng nanggigitata sa basura, ang rebulto mo ay nasa harap ng mga munisipyong pinamumugaran ng mga kurakot na politiko, iba-iba ang laki—may ulo lang, may half-body, may whole body, depende sa budget na inilaan ng lokal na gobyerno, nasa piso ka na inaayawan ngayon ng mga pulubi sa kalye, pangalan ka ng eskuwelahan, ng bangko, parke at pati night club. Isang relihiyon ka na rin ngayon. Nasa lahat ng dako ang iyong pangalan sa aming panahon.


Marami ang nagtataka kung bakit ikaw raw ang naging “Pambansang Bayani” ng Pilipinas. Dapat daw ay si Andres Bonifacio ang nararapat. Marami pa silang ibinibigay na pangalan, depende kung saan probinsiya nanggagaling ang nagsasabi—may sa Bohol, Batangas, Pampanga, Zamboanga at iba pa. Di naman daw kasi umabot sa kanilang probinsiya ang kabayanihan mo. Kaya may sarili silang gustong maging bayani. Natutuwa ako, kasi ibig sabihin marami talaga kayong bayani ng Pilipinas. Tanga lang talaga ang nagtatakda ng mga pambansa-pambansa na ‘yan. Lalo lang pinaghihiwalay ang mga Pilipino na literaly ay pinaghihiwalay ng mga tubig este pinag-uugnay pala ng mga tubig.

Peke ka raw na makabayan. Kasi gusto mo lang daw maging probinsiya ng Espanya ang Pilipinas noon.

Bakit mo ba ito naisip? Bakit ayaw mong 100% humiwalay na ang Pilipinas sa Espanya. Ano ka ba? Bakit di mo kinatigan si Bonifacio sa kanyang Katipunan?


Ayos na rin kami ngayong mga Pilipino. Ayoko lang sabihin kung anong gobyerno mayroon kami ngayon kasi baka bumangon ka pa. Baka sabihin mong “Mga hayop kayo, nagpabaril ako sa Luneta, ganyan lang ang gagawin ninyo sa Filipinas!” F ang ginamit ko, kasi F talaga ang espeling sa iyo ng Filipinas. (Gusto ko sanang mura ang sasabihin mo pero kapag bayani kagalang-galang, ayos na ang Mga hayop kayo!)

Naririnig din kita lagi sa mga graduation. Lagi kasing sinasabi ng mga guest speaker, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Puwes nagkamali ka. Ang kabataan ang pag-asa ng ibang bansa. Nasa Dubai sila, Saudi, Singapore, France, Italy, at kung saan-saan pa. Sa ibang bansa nila ibinubuhos ang kanilang mga lakas at talino.

Di ka raw makabayan, ikaw raw mismo ay “malansang isda” kasi sa wikang Espanyol ka nagsulat. Nagsulat ka nga sa Tagalog sa ikatlo mong nobelang “Makamisa” pero di mo pa tinapos, kasi ikaw rin mismo ay hirap din sa wikang ito. Ikaw ba talaga ang sumulat ng “Sa Aking mga Kabata” o baka tsinatsarot mo lang kami?

Bakit noong pitong taong gulang ka, nakasulat ka sa Tagalog pero noong tumanda ka, di mo na natapos ang "Makamisa"? Tumanda ka ba nang paurong?

Bakla ka rin daw kasi sa dinami-dami ng nakadyer-dyeran (sex ito baka di mo alam) mo, wala kang nakatuluyan. O baka naman wala talagang dyer-dyer na nangyari? Meron pala si Josephine Bracken sa isang kubo sa Zamboanga. Bakit kasi di ka nang-buntis ng iba pa para naman kahit papaano may maiiwan ka, may magdadala ng apelyidong Rizal. Sana kahit iyong isang Haponesa na lang. Pati apelyido mo ipinagdamot mo pa. Isa pa, bakit masyado kayong close ni Blumentritt? Alam mo bang LRT station siya ngayon? At sa estasyong ito sumabog ang bomba noong December 30, 2000. Pamilyar ka ba sa petsa, oo sa "Rizal Day" sumabog ang mga dugo at laman ng mga pasahero ng LRT.

Rizal, alam mo punong-puno ka ng kabalintunaan. Marami ka kasing iniwang sulatin kaya marami rin puwedeng sabihin ukol sa iyo. Sulat ka kasi nang sulat. Iba-iba ngayon ang sinasabi tungkol sa iyo. Di ko na alam kung alin ang totoo. Di mo ginaya si Bonifacio, simple at napakamisteryong bayani. Ikaw kasi pati bulaklak, tinutulaan mo pa. (Lalaki? Tutula ukol sa bulaklak? Joke lang!)

Pero Rizal, sa seryoso, dama ko ang galit mo habang isinusulat mo ang iyong mga nobela, dama ko ang malasakit mo sa mga batang nasa Zamboanga (nagtayo ka pa ng paaralan at ng patubig), dama ko ang pagmamahal mo sa iyong Nanay, dama ko ang iyong masidling pagnanais na maging doktor, dama ko ang pagmamalasakit mo sa iyong mga batang pamangkin nang isalin mo ang limang kuwento ni Andersen sa wikang Tagalog (pinakagusto ko ito sa mga ginawa mo).

Alam ko, habang may manunulat, guro, inhinyero, doktor, anak na naglilingkod nang tapat sa Pilipinas, nasa amin ka, may Rizal sa aming mga pagkatao.

Salamat Joe este Jose!

Tsarot lang,

Genaro R. Gojo Cruz

Pahabol:
Bigo pa rin sa maraming aspekto ang Pilipinas. At ang masakit Rizal, naghihirap ang bansa di lamang dahil sa mga banyagang bansa kundi dahil sa mga politikong nailuklok sa pamahalaan.

Mula sa manulat ni Maestro Genaro R. Gojo Cruz.

Comments

  1. Haha, kaaliw ang open letter ni Maestro Genaro Gojo Cruz para kay Jose Rizal :)

    Tunay na nga bang malaya ang Pilipinas? May silbi ba talaga ang pagpapakabayani ni Rizal at ng iba pa nating magigiting na bayani... sa ngayon, malabo pa sa tinta ng pusit ang mga kasagutan jan. Nakakalungkot...

    Anyways, I'm a proud Rizalenio (tubong San Mateo, Rizal ako) and will always be. Si Jose Rizal ang kinikilala kong pambansang bayani ng Pilipinas :)

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts