Ano ang pagkakaiba ni Muslim DVD sa mga taong nagda-download sa torrent?

“Suki ito na yung Charlie Chaplin collection na pinapahanap mo.”

Hindi cinephile si Muslim DVD. Hindi rin siya cinephalia. Basta mahilig lang daw talaga siyang manood ng pelikula. Pelikula na pinapanood niya sa DVD niyang sobrang liit at basag-basag pa ang screen. Sinabi ko kay Muslim DVD na cinephile siya kasi ang ibig sabihin raw nun ay mga taong mahilig sa pelikula. Oo, mahilig siyang manood ng pelikula. Pero hindi niya raw kailangang ipagsiksikan ang sarili niya sa mga kahulugan na walang kabuluhan sa kaniya. Naikuwento ko nga rin kay Muslim DVD ang salita at kahulugan ng salitang cinephalia. Tinawanan niya ako dahil ni isang beses sa buhay niya ay hindi pa siya nakatungtong sa sinehan...

Dahil na-e-entertain ako lagi akong bumibili ng DVD sa kaniya kahit meron na akong original DVD nito o napanood ko na sa sinehan. Makabili lang ako kay Muslim DVD, masaya na ako kahit hindi ko na panoorin ang DVD na nabili ko. Lagi pa nga niya akong inaalok ng mga bagong pelikula nina Antoinette Jadaone, Jade Castro, Joyce Bernal, Brillante Mendoza, Jerold Tarrog, at iba pang bagong direktor. Kaso tinatanggihan ko, hindi dahil sa suportahan ang pelikulang Pilipino. Kung hindi, mas gusto kong bumili ng mga Hollywood film na kahit walang kabuluhan ay kay lalakas tumabo. At isa rin yung factor kung bakit ako lagi napapabili sa kaniya. Alam niya kasi yung maganda at nagmamagandang pelikula lang. Halimbawa inalok niya akong bumili ng Pulp Fiction:

“Suki, ito Pulp Fiction!”
“Di ba magulo yan? !”
“Bilhin mo na. Bakit kailangan bang maging maayos para maging maganda?”
“Kuya, pa-deep ka ah.”
“Maganda nga ito, suki. Hindi ko gaanong naintindihan pero alam kong maganda. Sa bawat eksena kasi parang may mga ganun na pero hindi ko pa napapanood yung mga ganun.”
“Ah, Pop culture reference.”
“Reference. Ibig sabihin ba nun suki yung may mga pinagkuhaan?”
“Oo, yun nga may pinagkuhaan.”
“Kaya kukunin mo na, suki?”
“Okay.”

Tawang tawa at tuwang tuwa talaga ako sa kaniya kahit hanggang limang salita lang ang lagi kong nasasabi sa kaniya. Dahil maliban sa ayaw kong magsalita. Mas weird pa yata siya sa akin, yung tipong kapag kausap mo siya ta-tumbling ang German Expressionism. Kaya sa araw-araw na buhay ko bilang film student, araw-araw na rin akong bumibili ng DVD kay Muslim DVD. Araw-araw ibang kuwento niya o kritisismo (?) tungkol sa pelikula. Hindi niya kilala yung mga direktor ng mga pelikulang ibinebenta niya. Pero sa obserbasyon ko meron akong nakuhang Godard, von Trier, Ang Lee, Wong Kar-Wai, Fincher, Cameron at marami pang iba.

“Suki, That thing called Tadhana, Boyhood, Beauty in a Bottle, Wild, Dementia, Birdman...”
“Napanood mo na ba yan?”
“Oo, naman suki.”
“Talaga?”
'Kailan eh. Nakakahiya kapag may nagtanong kung hindi ko alam.”
“Ilan ba lahat napapanood mo?”
“Hindi ko alam basta lahat ng mga binebenta ko.”
“Mga 30 kada buwan?”
“Mas marami pa siguro suki”
“Nakaka-500 ka sa isang taon?”
“Hindi ko alam suki. Hindi naman siguro kailangang bilangin. Basta buhay at hanapbuhay ko ito. Hindi ko naman kailangang magpasikat.”

Siguro puwede rin siyang singhalan nina Charo Santos, Mother Lily , Alemberg Ang o Paul Soriano. Baka siya ang dahilan kung bakit lumulubog ang ating industriya dahil sa mga piratang ibinebenta niya. Nung grumaduate na akong bilang film student at nagtrabaho sa isang film production. Nag-iba ang pagtingin ko sa produksiyon ng pelikula. Naramdaman ko ang pagod at hirap sa paggawa ng isang pelikula. Kaya medyo nag-lie-low ako kay Muslim DVD.

Isang araw nakasalubong ko siya at bigla niyang ipinakita ang DVD ng Cinema Paradiso at The Dreamers. Fuck!

“Manong, ano ito?”
“Sa iyo na suki. Kahit alam kong napanood mo na yan.”
“Bakit?”
“Aalis na kasi kami sa puwesto namin. Bawal na raw kasi. At ide-demolize na rin yung lugar namin. Kasi gagawin ng condominium ang buong barangay. Kaya lahat ng mga nagtitinda ng kung ano-ano, aalis na rin.”
“Saan na po kayo niyan? At saan na po kayo magbebenta ng mga DVD?”
“Hindi ko alam. Pero hindi na yata ako magbebenta...”

Ito na yata ang pinakamatagal na kuwentuhan ko kay Muslim DVD. Komportableng kong naikuwento sa kaniya na nagtatrabaho na ako sa isang film production company. At sobrang natuwa siya, aabangan niya raw kapag napalabas na. Pero baka bumili na lang siya ng pekeng DVD. Sinabi ko s akniay na bibigyan ko na lang siya ng mga tiket. Kaso huwag na raw hindi rin naman mapapanood ng asawa at anak niya. Nagtaka ako kung bakit? At dun ko lang nalaman na bulag ang asawa at dalawang anak niya. Gusto kong humingi ng pasensiya sa kaniya kung bakit hindi na ako nakakabili sa kaniya. Ayaw ko nang isipin kung sino ang nagpapabagsak sa industriya kung saan ako nagtatrabaho. Pero bigla kong naisip ang mga tanong na:

Ano ang pagkakaiba ni Muslim DVD sa mga taong nagda-download sa torrent?
Anong pagkakaiba ni Muslim DVD sa mga film producer? (Sabi kasi ng mga film producer, ibinibigay lang nila ang gusto ng masa. Kaya ayun ibinibigay din nila ang gusto ng masa?)

Kaso hindi, alam kong hindi... Si Muslim DVD ay isa sa mga nanonood ng pelikula na labas sa pisikal na mudong ito. Gayunpaman natutuhan ko sa kaniya na mas maraming mahalagang pag-usapan na may koneksiyon sa pelikula. At nalaman ko na si Muslim DVD ay isang pelikula na higit pa sa pelikulang nanalo sa Cannes, Oscars, FAMAS o Urian. At kung oobserbahan mo lang ang paligid tayong mga tao ang sinehan...

Mula sa panulat ni Jayson Fajardo

Si Jayson Fajardo ay opisyal na membro ng Axl Powerhouse Grp, isang manunulat, at mahilig magbasa ng iba't-ibang uri ng mga aklat,

Comments

Popular Posts