Mula sa pluma ng isang Timawa
..nung unang panahon.. lahat ng kwento..nagsisimula..sa isang alamat..
Ako si Marko Santibañez. Isa akong creative writer at photographer. Bilang isang manunulat, madalas akong ma-assign sa iba't ibang lugar. Kung kaya naman, hanggang ngayon ay wala pa akong sariling pamilya. Nito lamang huli, na-assign ako sa isang liblib na bayan. Naatasan akong alamin at isulat ang kwento ng isang nilalang na pumapatay umano ng mga bata. Noong unang panahon daw ay may ganoong nilalang na naninirahan sa bayang ito subalit ni isa ay walang nakapatay o nakahuli man lang dito. Maraming nagsabing nakita na nila ito ngunit walang makapagpatunay sa kanilang mga sinasabi.
Subalit isa akong taong hindi naniniwala sa mga ganitong bagay. Para sa akin, ito ay gawa lamang ng malilikot na imahinasyon ng mga taong natatakot sa pagbabago sa kanilang paligid. Pero wala akong ibang choice kundi ang gawin ito dahil nakasalalay dito ang career ko. Ang gagawin ko lang naman ay magtatanong-tanong sa mga mamamayan nito, pagtagpi-tagpiin ang mga kwento nila at isulat ng parang isang alamat. Ngunit bago yun, kailangan ko munang mag-research kahit kaunti ukol sa nilalang na yun. Mula sa aking bookshelf, kinuha ko ang isang peryodiko na tungkol sa Philippine Mythology.
"..Ang Timawa ay isang nilalang na mapupulang mata, kulubot ang balat at umaabot sa pitong talampakan ang taas. Madalas itong lumalabas kapag malapit nang bumilog ang buwan subalit mas malakas ito kapag bilog na ang buwan. May matatalas ang ngipin at mahahabang mga kuko na ginagamit nila upang wakwakin ang katawan ng kanilang mga biktima na kadalasan ay mga bata. Napakabilis nilang kumilos kung kaya't ang huling nagagawa na lamang ng kanilang mga biktima ay sumigaw..."
Sabado ng hapon nang dumating ako sa bayang yun. Dahil sa maalinsangan na panahon, naisipan kong lumabas ng bahay na tinutuluyan ko upang bumili ng sorbetes. Naisipan ko ring simulan na ang trabaho ko para mas maaga akong makabalik ng Maynila. Nagsimula akong magtanong-tanong sa mga taong-bayan subalit wala sa kanilang makapagsabi ng buong kwento ng Timawa. Pero may nakapagsabi sa akin na sa babaylan daw ako magtanong. Yun nga lang eh walang makapagsabi kung nasaan siya ngayon. Nabagot na ako sa aking pagtatanong kaya kinuha ko na lamang ang aking kamera sa bag at nagsimulang kumuha ng mga litrato. Mga tao, hayop at kung anu-ano na lamang aang kinuhanan ko. Nakakatuwa naman ang baayan na ito. Kahit maliit lamang, kumpleto naman sa mga pamilihan, kainan at iba pang mga establisimyento na parang sa syudad. Mayroon pa ngang lumapit sa akin na isang puta, halos kita na ang kuyukot, nag-aalok ng panandaliang aliw. Subalit, tinanggihan ko dahil hindi ako ganung klaseng tao. Nagpatuloy ako sa pagkuha ng mga litrato hanggang sa nasagap ng lente ko ang isang matandang ale na maraming dalang bilihin. Bilang isang maginoo, lumapit ako at nag-alok na tulungan siya. Pumayag naman siya at nalaman kong siya pala ang tinatawag na “babaylan” ng mga mamamayan dito. Sinamahan ko siya hanggang sa kanyang kubo sa dulo ng bayan na halos gubat na. Buti pala at nakita ko siya, bukod sa natulungan ko siya, makakakalap na ako ng impormasyon tungkol sa Timawa. Madilim na ang paligid nang dumating kami sa kubo niya, pinapasok ako at inabutan ng kapeng barako upang inumin. Tinulungan ko na siyang sindihan ang lumang lampara na nasa may mesa. Hindi pa pala naaabot ng kuryente ang kubo niya. Matapos iyon ay nagtanung-tanong na ako tungkol sa Timawa. Ayon kay Lola Temyang, naabutan pa niya ang mga araw na gumagala pa sa bayan nila ang Timawa. Aso, pusa, baboy at mga manok ang tipikal na mga hayop na natatagpuang wakwak ang katawan kung saan-saan pag sapit ng umaga. Walang ideya ang mga mamamayan kung ano o sino ang gumagaw nito. Ipinagpalagay na lamang daw nila na isang maabangis na hayop ang gumagawa nito.Minsan ay may dalawang batang pumunta sa kabilang bayan para dumalo ng birthday party ng kanilang kaklase. Hindi nila sukat akalaing aabutan sila ng dilim sa daan. Habang naglalakad ay nakarinig sila ng isang matinis na huni kasabay ng pagkaluskos ng mga dahon sa puno ng mangga. Ipinagkibit-balikat lamang nila ito at nagpatuloy sa paglalakad. Maya-maya pa'y napasigaw ang isang bata dahil may isang nakapanghihilakbot na nilalang ang tumatakbo patungo sa direksyon nila! Pitong talampakan ang taas, mapula ang mata, mabalahibo ang katawan, kulubot ang balat at duguan. Animo'y isang mabangis na hayop na tumatakbo na parang isang tao. Napatakbo ang dalawang bata sa takot subalit naabutan nito ang isa sa kanila. Ikinuwento ng batang nakatakas ang nmangyari sa kanila subalit hindi naniwal ang mga magulang nito. Kinabukasan, natagpuan na lamang nila ang kaibigan niya na naliligo sa dugo at wakwak ang katawan malapit sa daang tinahak nila nung nakaaraang gabi. Mula noon ay nabalot na ng takot ang dati'y napakasiglang bayan. Pagsapit ng alas-sais ng gabi, lahat ng mga tao ay nasa kani-kaniya nang bahay. Lumalabas lang sila pag sumikat na ang araw. Sabi ni lola, siya ang nagsilbing manggagamot ng mga mamamayan mula noon hanggang ngayon. Kumbaga isa siyang albularya. Kung kaya naman, maraming kung anu-anong mga sangkap panggawa ng mga langis at medisina ang makikita sa kubo niya. Maya-maya pa, nakaramdam ako ng antok. Hindi ko na namalayang nakatulog pala ako. Nagising na lamang ako sa isang lugar na hindi pamilyar. Ang kaninang maaliwalas na loob ng kubong puno ng mga halamang gamot ay naging nakakatakot at napuno ng mga kakaibang mga hayop na nasa malalaking garapon. Mga ahas, alupihan, ulo ng baboy at iba pa. Parang hindi na ito pag-albularya kundi pang-mangkukulam! Mas ikinatakot ko nang hindi ko maigalaw ang aking katawan. Parang may nakadagan sa akin pero wala naman akong nakikitang kung anuman. Pinilit kong sumigaw pero walang boses na lumalabas. Ilang sandali pa, narinig kong inoorasyunan ako gamit ang wikang Latin ng matanda. Base sa mga ilang bagay na naiintindihan ko, nanghilakbot ako sapagkat inaalay ako sa dyablo! O Diyos ko! Tulungan Mo po ako! Ayoko pang mamatay! Inakala kong yun na ang katapusan ko pero may ginawa ang matanda na labis kong ikinagulat. Dumura siya sa isang basong may laman na itim na likido pagkatapos ay pinilit na painumin sa akin. Maya-maya pa, may isang napakatinding liwanag na pumuno sa buong kubo at paghupa niyon ay naging abo ang matanda. Naramdaman kong kaya ko nang gumalaw ulit. Buhay ako! Tumatakbo na ako papalayo ng kubo nang makaramdam ako ng matinding gutom at uhaw.Bumalik na ako sa tinutuluyan ko. Napagmasdan ko bigla ang buwan na bumibilog na at bigla akong nawalan ng ulirat. Paggising ko na lamang ay naliligo na ako sa dugo at may katawan ng bata sa tabi ko. Wakwak ang tiyan nito at bali ang mga buto. Hindi ako makapaniwalang isa na pala akong Timawa! Nag-alsabalutan ako at umalis na ng bayan para makaiwas sa ano pang maaari kong gawin. Hindi ko na alam kung saan ako tutuloy..
Pwede ba diyan sa inyo?..
Kahit saglit lang..
Habang wala pang buwan..
Teka, may kumakatok sa pintuan niyo...
Pagbuksan mo naman ako………………
wow pang shake rattle and roll ang story mo parekoy!
ReplyDeletekatakot! timawa na din xa!
at bata pa ang mga biktima kawawa naman