Santo Niño de Pandacan At Ang Kasaysayan
Santo Niño de Pandacan |
Unang pagkakataon kung napuntahan ang Pandacan nitong nakaraang pista ng Santo Niño de Pandacan noong 19 ng Enero 2014 upang saksihan kung gaano nga ba kayabong ang pista dito sapagkat dati rati ay nakikita ko lamang sa telebisyon ang kasayanan na ito pero noong andun na ko di ko mawari ang aking kasiyahan lalo't pa nakita ko ang isa sa mga ipinagmamalaki ng Pandacan ang aking itim na Santo Niño, mga tradisyon at ang isang kilalang heritage mansion, ang Romualdez Mansion.
Anu nga ba ang kasaysayan ng Pandacan? Paano napunta ang itim na Santo Niño dito? Anu-anu ang mga kwentong bayan?
Ayon sa ang Pandacan ay nakatali sa patron nito, ang Santo Niño de Pandacan.
Bago pa man nadiskubre ang poon, ang bayan ng Pandacan ay isang pamayanan ng mga taniman ngunit opisyal na "itinayo" ng mga Pransiskano ang pamayanan ng Pandacan noong 1574. Naging pagawaan din ang bayan ng mga bangka, sapatos, at iba pang mga produkto na siya namang dinadaan sa ilog Pasig at kinakalakal sa mga karatig bayan.
Pandacan aerial view |
Ayon sa mga kuwento noon, palaging nawawala ang Santo Niño sa kanyang kinalalagyan sa Simbahan ng Loreto at bumabalik sa kanyang maputik na puwesto sa tabi ng mga lubluban. Matapos maka-ilang ulit na nawala ang Santo Niño mula sa Simbahan ng Loreto at pagkakita nito sa kanyang kinatagpuan ay naisipan ng mga pari at mga residente na magpatayo ng isang visita (isang maliit na kapilya) sa kinalalagyan ng lubluban kung saan siya natagpuan.
Simbahan ng Santo Niño De Pandacan |
Ang Pandacan ay tinaguriang "Little Venice" noon dahil sa dami ng mga estero na dumaraan sa buong bayan at dahil sa dami ng mga teatro't taong bihisa sa mga sining na noon ay naninirahan sa bayan ng Pandacan. Katunayan nga ay tumira si Fransisco Balagtas, isa sa mga pinaka-sikat na manunulat sa Katagalugan, sa Pandacan noong 1835 at umibig pa nga sa isang residente nito, si Selya o "M.A.R.", na kanyang binangit sa "Florenta at Laura". Binangit ni Balagtas ang Ilog Beata sa kanyang dedikasyong "Kay Selya" at ang ilog na ito, na ngayon ay isang estero na lamang, ay nasa Pandacan. Sa ngayon ay may isang pamayanan na dedikado sa kanya, ang "Kapitan Tikong", kung saan ang mga kalye ay ipinangalan sa mga karakter ng Florante at Laura.
Ilan pa sa mga kilalang pinanganak o nanirahan sa Pandacan mula sa mundo ng sining ay si Ladislao Bonus (Ama ng Filipino Opera), Honorata Atang de la Rama (Pambansang Alagad ng Sining - Teatro at Musika), at si Pantaleon Lopez (Manunulat ng mga dula/zarzuela).
Naging duyan din ng mga bayani ang Bayan ng Pandacan. Isa na sa mga pinakilalang bayani na nagmula sa Pandacan ay si Fray. Jacinto Zamora, isa sa mga paring lumaban para sa sekularisasyon at pantay na pagtrato sa mga Paring Pilipino at Espanyol. May isang mataas na opisyal noon na nanghingi sa kanya ng pabor na iburol sa loob ng simbahan ang isang espanyol na sundalo na nagpakamatay ngunit tumangi si Padre Zamora kahit pagbantaan man siya o bayaran... sumusunod lamang si Padre Jacinto sa mga turo ng simbahan. Isa pa sa mga ginawa ni Padre Zamora ay ang pag-daos niya ng mataas na misa noong kapistahan ng Santo Nino, isang bagay na noon ay maari lamang idaos ng mga paring espanyol. Ikinagalit ng mga Pransiskano ang ginawa niya.
Si Fray Jacinto Zamora, kasama sila Padre Mariano Gomez at Padre Jose Burgos, ay binitay sa pamamagitan ng garrote sa Bagumbayan noong ika-17 ng Pebrero, 1872 pagkatapos nila madawit sa isang pagaalsa sa Cavite.
Makalipas lamang ng 24 na taon, isang bayani naman ang sumikat sa Pandacan. Noong ika-24 ng Hunyo, 1896, ay idinaos ang huling naka-talang pagpupulong ng Mataas na Kapulungan bago magsimula ang himagsikan.
Si Heneral Ramon Bernardo, isa sa mga heneral na naatasang mamuno sa pagsisimula ng pag-aalsa noong hating-gabi ng ika-29 ng Agosto, 1896, ay napagtagumpayang agawin ang Pandacan mula sa mga Espanyol. Inatasan si Heneral Bernardo ng mataas na kapulungan, sa pamumuno ni Pangulong Andres Bonifacio, na lasubin ang sentro ng bayan ng Pandacan. Ang mga tauhan ni Heneral Bernardo ay nahahati sa tatlong pangkat: Ang mga pangkat ni Celestino Manuel, Miguel Resurreccion, at Angel Bulong. Isang oras matapos ang paglusob sa Mandaluyong ay nilusob at nakubkub ng mga pangkat ng Republika ng Katagalugan ang simbahan ng Sto. Nino de Pandacan. Nakatakas ang pari nito na si Padre Angel bago pa man makarating si Heneral Bernardo.
Isa pa sa mga rebolusyonaryong nanirahan sa bayan ng Pandacan ay si Apolinario Mabini na noo'y nanirahan sa tabi ng Tulay ng Nagtahan (ngayo'y Tulay ni Apolinario Mabini), dito rin siya namatay. Ang replika ng lumang bahay ni Apolinario Mabini ay naka tayo na ngayon sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Sa pagpasok ng industrialisasyon sa Bayan ng Pandacan ay nagkaroon ng mga pabrika sa lugar na iyon. Ang unang makabagong pabrikang itinayo sa Pilipinas ay ang "Compania General de Tabacos de Filipinas" na itinayo sa Pandacan noong 1882. Noong panahon ng mga Amerikano ay naging tahanan ang Pandacan sa maraming mga "Oil Company" tulad na lamang ng Shell.
Mga ilan sa mga sikat na mansion sa Pandacan.
Romualdez Mansion |
Bonus Mansion |
Sitsiritsit at iba pa
Santo Niño sa Pandacan, Putoseko sa tindahan kung ayaw kang magpautang, Uubusin ka ng langgam.
Isa sa mga pinaka-kilalang kanta ay ang Sitsiritsit. Sabi ng ilan ay na mula ang linyang ito na tumutukoy sa Poon sa isang matandang kwentong bayan. Noon daw ay mayroong babaeng tindera ng Puto Seko na nagbebenta sa silong ng lumang simbahan. Nilapitan daw siya ng isang batang may hawig sa Santo Nino ang lumapit ang nangutang sa babae na, sa kagustuhan niyang di siya maistorbo at na kumita, ay pinaalis ang bata. Nagbanta ang bata na kung hindi siya pauutangin ay uubusin ang paninda nung ale ng mga langgam. Noong umalis ang bata at nang balikan ng tindera ang kanyang paninda ay natagpuan niya na lamang ito na pinapapak ng langgam.
Sabi sabi ng ilan sa mga residente ng Pandacan na may isang bata na laging naglalaro sa mga lugar na malapit sa simbahan: minsan ay nakikipaglaro ng holen at kumakausap sa mga residente. Ayon pa sa ilang mga tao na kadalasan ay nagtatrabaho sa Parokya ng Pandacan ay may nakikitang bata na naglalaro sa may hagdan ng Kumbento at may naririnig pa minsang halakhak ng isang batang naglilibot umano sa kumbento.
Ayon din sa ilang mga mamayan ng Pandacan, pa minsan minsan ay may mga holen pa nakikita sa mismong lalagyan ng Poon, at na minsan ay may putik ang paanan nito, kasama ng ilang mga damo sa loob ng lumang salaming lalagyan nito (noong bago pa ayusin ang altar).
Maraming himala din ang nagawa na noon ng Santo Nino ng Pandacan. Noong ika-19 ng Mayo, 1837 ay mayroong isang babaeng nagngangalang Doña Josefa Andrade na pinagaling sa isang sakit na tinatawag na "Sayaw ni sa Vito".
Noong 1896, noong mapag-alaman ang mga kinalaman ng Bayan ng Pandacan sa Rebolusyon ay isinailalaim ang buong bayan sa Juez de Cuchillo, na nangangahulugan na ang buong bayan ay bobombahin at na pwede na gamitin ang mararahas na pamamaraan (pagsunog sa mga bahay at pagpatay) upang patahimikin ang bayan.
Noong tutukan na ng mga kanyon ang bayan ng Pandacan mula sa Nagtahan ay laking gulat ng mga sundalo noong may isang batang naglalakad sa gilid ng pampang ng ilog Pasig, malapit sa Simbahan ng Pandacan, gayong alam na ng mga mamayan na kailangan nilang lumikas. Agad na tinigil nang mga sundalo ang planong bombahin ang Pandacan sa takot na ang batang iyon ay ang Santo Nino de Pandacan.
Noong 1911, isang malaking sunog ang muntikan nang kumain ang Pandacan ngunit natigil ang pagusad ng sunog noong iharap ni Padre Silvino Manalo ang Santo Nino sa direksyon ng sunog. Agad na nagbago ang ihip ng hangin. Noong ika-18 ng Disyembre, 1941, sa takot ni Reberendo Padre Teodoro Francisco na pasasabugin ang buong bayan ng Pandacan matapos silaban ng USAFFE ang mga tanke ng gasolina ay agad niyang sinubukang iligtas ang imahen ng Santo Nino ngunit hindi ito maalis maski ano man ang gawin niya. Hindi sumabog ang mga tanke at muling naligtas ang buong Bayan ng Pandacan.
Sana nagustuhan at may natutunan kayo sa post kung ito? Ikaw nakapunta ka na ba sa makasaysayang lugar ng Pandacan?
Impormasyon mula kay Jhon Gorme at larawan mula sa AXLPPI
You like to see more photos of Santo Niño de Pandacan At Ang Kasaysayan ?
Like Us of Facebook
Like Us of Facebook
Bilib talaga ako sayo. Kahit magulo yung place talagang napupuntahan mo. I belive I've been to Pandacan in 2012 peroi linut ko na.
ReplyDeletedi talagako gala kaya di pa ko nagawi dyan ahaha
ReplyDelete